Menu Close

Karanasan sa unang trabaho

Magandang araw! nais kong ibahagi sa inyo ang isang halimbawa ng karanasan sa unang trabaho ng isang estudyante magmula noong siya’y magtapos sa pag aaral. Tunghayan ang kanyang mga naranasan sa pag hahanap ng trabaho.

Narito na ang maigsing storya

Noong ako ay nag aaral pa lamang sa huling taon ko sa kolehiyo halos araw araw akong naiinip na makatapos dahil sabik na akong mag trabaho para magka pera, akala ko kasi noon ganun ganun lang maghanap ng trabaho at akala ko din kapag may trabaho ka madami kang pera. Pero mali pala hanggang akala nalang pala.

Noong ako’y makatapos sa pag aaral sa kolehiyo, nag pahinga ako ng isang linggo bago mag hanap ng a-applyan. Nag handa ako ng maraming kopya ng aking resume na ipapasa sa iba’t ibang establisyimento, pasa doon, pasa dito. Doon ko napag tanto na mahirap pala maghanap ng trabaho, sa lahat ng pinasahan ko walang tumawag sa akin na sobra kong ikinalungkot at dumating sa punto na nawalan ako ng pag asa, pero kung susuko agad ako walang mang yayari sa buhay ko kaya nag pasa ulit ako pero sa pag kakataong ito hindi na ko namili ng papasahan. Kahit hindi na related sa kursong tinapos ko basta makapag trabaho lang.

Ang paghahanap ng trabaho

Karanasan sa unang trabahoSa isang establishment na pinasahan ko sa araw na yon ay inerterview na agad ako kasi nangangailangan sila ng employee at hindi na ako nag dalawang isip na kuhanin ang pag kakataong ito. Pag katapos ng unang interview lumuwas ako ng Maynila para sa huling interview naging maayos naman ang resulta at ibinigay ang mga kailangan ayusin para makapasok sa trabaho na ito. Labis akong nagulat sa sobrang dami ng aasikasuhin pero hindi ito naging dahilan para umatras ako, makalipas ang dalawang linggo ng pag aayos sa wakas makakapag trabaho na din ako.

Unang araw sa trabaho

Sa unang araw ng trabaho sobrang kinakabahan ako kasi wala akong ideya sa trabahong pinasok ko pero alam ko sa sarili ko na sa umpisa lang to pero sa mga susunod na araw malalaman ko din. Pag pasok ko sa establisyimentong ito bilang trainee ay masasabi kong hindi madali, kasi bagong environment at bagong pakikisama nanaman pero masaya ako hindi ko naramdaman na mag isa ako sa unang araw ko, hindi nila ako pinabayaan tinulungan nila ako sa mga dapat kong matutunan.

Lumipas ang araw at linggo na unti unti kong natutunan ang mga bagay bagay at hindi ako mapapagod matuto pa ng ibang bagay dahil dito tayo lalago sa buhay. Sa aking pag tratrabaho marami akong naranasan may maganda at hindi pero ang mahalaga hindi ako nag papaapekto sa mga negatibong nangyayari sa buhay ko bagkus ginagamit ko ito upang mas lalo akong tumatag dahil hindi ko ikakaunlad kung papaapekto ako dito.

Bilang isang empleyado ay hindi madali gumigising ako ng maaga para mag handa sa pag pasok at uuwi ako ng gabi na halos wala nakong oras para manuod ng telebisyon, mag laro ng computer games at gumala kasama ang barkada kasi kapag galing ako sa trabaho mas gugustuhin ko nalang matulog kaysa gawin ang ibang bagay. Malayong malayo noong ako ay nag aaral pa, kaya sa mga mag aaral sulitin nyo na yung panahon habang nag aaral pa kayo huwag kayong mag madali mag trabaho dahil sa ayaw at sa gusto nyo darating din kayo sa punto na ito. Kaya’t maghintay lamang kayo at mag enjoy sa buhay.

Konklusyon

Hindi ba’t naramdaman din natin ang kanyang lungkot at tagumpay? kaya sa inyong mga estudyante diyan, relax relax lang kayo, dahil darating din kayo dito at sasabihin na lamang na “sana pala sinulit ko na ang mga oras na ako’y hindi pa nag tra-trabaho.”

Facebook Comments

Leave a Reply