Bago ko umpisahan ng pormal ang kabuuan ng blog na ito na mag po-focus sa pag gawa ng website, nais kong ibahagi muna kung sino ako at saan ako nagumpisa sa pag trabaho ng online.
Ang Aking Pagtatapos Sa Kolehiyo
Taong 2007 noong ako’y pumasok sa ilalim ng kursong 2-year Computer Science in Programming mula sa isang kilalang kolehiyo dito sa aming siyudad ng Balanga, naalala ko wala pang K12 noon kaya’t pagkatapos ko ng ika-apat na taon ko sa mataas na paaralan ay diretso na akong naka pasok. Hilig ko na noon pa ang pag kutikot sa personal computer, manood ng video tutorials ng photoshop, mag model ng 3d at kung ano ano pa, kaya naman hindi na bago sakin ang ginagalawan kong sistema. Mula Microsoft paint hanggang sa talakayin namin ang Javascript, HTML ay lalo akong namangha sa mga bagay na puwede mong magawa sa pamamagitan ng modernong teknolohiya. Dito ako nagkaroon ng mas malalim na interes at natutong pangarapin na balang araw ay makapag buo ako ng website at kumita na rin sa pamamagitan nito.
Dumating ang taong 2009, ako’y nakatapos noon at nagumpisa akong maghanap ng mapapasukang trabaho, sapagkat ito naman talaga ang pangunahing dahilan kung bakit ako nagsumikap ng pagtatapos sa aking pag aaral. Hindi naging madali at isang malaking hamon para sa akin ang makahanap agad ng trabaho sapagkat tila yata na naging pamantayan na ang iyong kursong tinapos upang matasa ang iyong kakayanan, dalawang taon lamang ang kurso kong tinapos sapagkat ito lamang ang kaya ng aking mga magulang noong panahon na iyon. Ang madalas na hinahanap sa mga sinusubukan kong pasukan ng trabaho ay apat na taon o “Bachelor Degree”. Aaminin kong dumating sa punto ng maraming beses na gusto ko nang sumuko sapagkat ang hirap humanap talaga ng trabaho.
Bataan Library IT Training
Kalagitnaan ng taong 2009 ay nabalitaan ko na may proyekto ang gobyerno upang hasain ang kakayanan sa industriya ng IT (Information Technology). Para sa akin isa itong paraang upang madagdagan ang aking mga kaalaman kaya minabuti kong makapasok sa proyekto na ito. At tulad ng inaasahan ko, napakaraming tinalakay na paksa na napaka interesante para sa akin, mas lumawak ang saklaw ng aking kaalaman sa pagbubuo ng website dahil sa pag turo sa amin ng PHP, CSS at marami pang iba.
Tumagal ng dalawang buwan ang naturang proyekto at ako ay kinilalang nakatapos dito. Muli ay nagkaroon ako ng pagganyak upang humanap muli ng trabaho.
Bataan MIS Clerk II
Salamat sa May Kapal, ako ay sa wakas natanggap na sa isang trabaho na linya sa aking kurso at interes. Ako ay isa nang ganap na empleyado ng gobyerno upang tumulong sa mga proyekto na may kinalaman sa website at pag disenyo na rin ng mga ito. Noong umpisa ako ay nanibago sapagkat ang mga kasama ko ay hindi hamak na mas may edad sa akin, isa ako sa pinaka batang empleyado sa aming ahensiya noong mga panahon na iyon. Ngunit hindi naman ako nahirapang makisama at ‘di kalauna’y natuto at nasanay na sa aking bagong paligid.
Madami akong natutunan dito sapagkat na-assign din ako sa pagkuha ng larawan sa mga bawat gawaing idinaraos ng gobyerno, kaya’t nagkaroon din ako ng hilig sa larangan ng pagkuha ng larawan.
Tumagal din ako ng humigit kumulang isa’t kalahating taon at natapos ang aking kontrata at sa hindi inaasahang pagkakataon ay hindi na ako nasama sa mga empleyado na na-renew. Labis ko itong kinalungkot ngunit hindi ako nawalan ng pag-asa.
LexorSoft Programmer
Sa pamamagitan ng sabi-sabi ay nabalitaan kong nangangailangan ng isang programmer ang isang pribadong kumpanya dito sa aming siyudad kaya’t minabuti kong magpasa ng aking resume dito. Kahit na tagilid sa aking tingin sapagkat dalawang taon lamang ang aking tinapos na kurso ay sinubukan ko pa rin. Mabuti na lamang at ang may-ari ng kumpanya ay may busilak na puso, pinagbigyan ako at sumailalim sa isang pagsusulit na kinalauna’y naipasa ko.
Pasok ulit! salamat talaga sa May Kapal, at kagaya ng aking dinanas sa unang trabaho ay kinailangan kong makisama muli sa bagong paligid na hindi naman ako nahirapan sapagkat halos lahat yata ng empleyado dito ay mababait! Lalo na talaga si boss (Salamat Sir Ed!).
Sobrang nasiyahan ako sa aking oras dito sa kumpanya na ito, hanggang sa dumating ang isang panibagong pagkakataon…
oDesk (Now Upwork)
Sinubukan ko sa kauna-unahang pagkakataon ang sumabak sa online na trabaho. Wala akong bakas kung paano mag umpisa dito, ngunit nangarap ako at naniwala na may kapupuntahan ako dito.
Gumawa ako ng online profile ko sa oDesk noon at nag umpisa na maghanap ng mga cliente. Di nagtagal ay nakahanap ako at ang rate ko noon ay 0.5 USD per hour! 20+ peso sa pera natin kada oras. Natuwa ako sapagkat nakaka walong oras ako sa isang araw o minsan ay higit pa at ang pinaka maganda ay nasa loob lamang ako ng pamamahay at hindi lumalabas. Sabi ko sa sarili ko noon, ito na yata ang hinahanap kong pagkakataon para naman magkaroon ako ng maginhawang hinaharap.
Simple lamang ang aking ginagawa, nag se-setup ng WordPress-based website at binabago lamang ang itsura sa tulong ng CSS. Paulit ulit lamang ang mga trabaho ko, hindi o kakaunti lamang ang pagkakataon na kinakailangan kong mag program gamit ang PHP, ngunit hindi ako nababahala sapagkat napakaraming nag-kalat na mga pagtuturo sa Youtube at kung saan saan pa.
Present Time
Sa ngayon 2018, ay masasabi kong matatag ang pinasukan kong mundo na ito. Minsan akala natin hindi natin kaya ang isang bagay, ngunit minsan naman kailangan lang natin maniwala na walang imposible na matutunan lalo na’t pinagsikapan. Marami na akong nagawang websites, sa katunayan ay hindi ko na ito mabilang, at siguro 80% ng mga ito limot ko na ang pangalan ng domain.
Ito ang buhay web developer, mahirap sabi ng iba, pero pag andito ka na ay mapapag tanto mo na ang saya pala. Basta kailangan lang ay sipag at tiyaga (alam ko gasgas na ang linya na yan) pero totoo, yun ang pangunahing kailangan.
Kung ngayon pa lamang ay napapanghinaan na ng loob, mas mabuti siguro na suriin ang sarili, palakasin ang mga kahinaan at burahin sa isipan na hindi kayang gawin ang isang bagay. Hindi ko masasabing madaling pumasok dito, ngunit di ko din naman sasabihing mahirap. Dahil sa huli ikaw din ang makaka sagot sa iyong mga katanungan, at makaka alam kung hanggang saan ka dadalin ng iyong mga pangarap.
Salamat sa pag-basa!
PS. Kung nais mo nang magumpisang matuto sa pag gawa ng website, maaaring simulan sa pagtuturo na ito (Paano gumawa ng website? – ang unang hakbang).
Facebook Comments