Maligayang pag dating sa unang video tutorial na ito. Matututo ka kung paano gamitin ang Adobe Illustrator sa pamamagitan lamang ng napaka simpleng pagtuturo na ito. Sa ngayon ay ipapaliwanag ko muna ang bawat parte sa naturang video ang mga ginawang hakbang dahil sa ngayon ay wala pa akong maayos na mikropono para ma i-voice over ang video. Huwag mangamba dahil ang video ay maigsi lamang, kulang tatlong minuto lamang at sobrang daling sundan.
Sa nakaraang pagtuturo ay natutunan natin kung paano gumawa ng logo gamit ang Photoshop. Simple lamang din yon, ngunit ang illustrator talaga ang mas makapangyarihan sa pag gawa ng logo sa dalawa, kaya’t sikapin na alamin kung paano ito gamitin.
Paano gamitin ang Adobe Illustrator upang lumikha ng logo?
Narito sa ilalim ang naturang video na ginawa ko din, siguruhing piliin ang mataas na kalidad upang ito ay malinaw. In-upload ko ito ng mataas na kalidad kaya’t mayroon itong 1080p na opsyon, kung hindi kaya ng internet mo ay kahit 720p para makita mo ng malinaw ang mga bawat parte ng video na mahalaga para sa pag tuturo na ito.
Makikita na ang style ay pinukaw ng logo na ginamit ng Google Chrome. Sa logo na ito ay matututunan mong gamitin ang Shape Builder Tool dahil nandito ang sentro ng pagtuturo na ito. Mahalaga itong matutunan dahil isa ito sa pinaka mahalagang aspeto ng paglikha o pag gawa ng logo gamit ang Adobe Illustrator. Para hindi na humaba pa, tayo na’t mag umpisa.
Step 1 (0:00 – 0:11) – I-set ang mga value ng height at width sa 600px at pangalanan ito sa nais mong pangalan, sa kaso ko ay pinangalanan ko na “Your Logo”. Tandaan na tayo ay lumilikha ng isang vector file, na kung saan ay kahit na maliit lamang ang dokumento ito ay pwede pa rin na palakihin at hindi ito mag pi-pixelize sapagkat ito ay isang vector. Kaya’t sa kahit anong laki ng dokumento mo ito ilagay o gamitin ay tiyak na hindi ka mabibigo sa kalidad.
Step 2 (0:11 – 0:18) – Sa toolbar sa itaas, piliin ang View at siguruhin na ang Snap to pixel ay walang marka o check sa tabi.
Step 3 (0:18 – 0:24) – Siguruhin na ang dalawang kulay ay naka set sa blanko o wala, masdan kung saan ko ito binago sa video. At pagkatapos nito ay pindutin ang Ctrl+Y upang makita mo pa rin ang mga ginagawa nating mga hugis kahit wala na itong kulay at guhit.
Step 4 (0:25 – 0:38) – Gamitin ang Ellipse Tool at lumikha ng bilog gaya ng nasa video, matapos nito ay i-click ang ginawang bilog at pumunta sa Edit > Copy (Ctrl+C) at Edit > Paste in Place(Ctrl+F). Tandaan ang dalawang keyboard shortcut na iyan sapagkat madalas iyan gamitin sa pag gawa ng logo o kahit ano pang proyekto sa Adobe Illustrator. Matapos na makopya ang bilog ay piliin ito at i-drag ang kanto papasok upang ito ay lumiit, i-hold mo ang Shift key upang hindi ito pumaling at maging oblong.
Step 4 (0:39 – 0:48) – Kopyahin ang bilog na maliit gamit ang naturang mga keyboard shortcut sa taas at i-resize ito gaya ng makikita sa video. Matapos nito ay piliin ang lahat ng hugis sa pamamagitan ng pag pindot ng Ctrl+A at sa may Appearance panel pindutin ang Horizontal Align Center at ang Vertical Align Center masdan na ang tatlong bilog ngayon ay magiging pantay pantay. Kung wala ang Appearance panel sa iyo ay pumunta lamang sa Window toolbar at pindutin ang Appearance.
Step 5 (0:49 – 1:05) – Pindutin ang gitnang bilog at i-duplicate ito, i-hold ang Alt key at i-drag ito pakanan at pagkatapos ay pakaliwa naman, panoorin sa video kung paano ko ito ginawa. Matapos nito ay piliin mo silang tatlong mga bilog na nasa gitna sa pamamagitan ng pag-hold ng Shift key. Kopyahin ang tatlong ito sa pamamagitnan ng Ctrl+C at Ctrl+F at matapos makopya ay i-rotate ito. Panoorin sa video kung paano ko ito ni-rotate, kailangan ay naka-hold ang Shift key upang pantay ang pag-rotate mo.
Step 6 (1:06 – 1:32) – Pindutin ang Ctrl+A upang mapili ang lahat ng hugis at piliin sa tools sa kanan ang Shape Builder Tool at mag umpisa na i-click and drag sa loob ng mga hugis ang iyong tool gaya ng nasa video, Kung ikaw ay namali sa pag merge ng mga hugis ay pindutin lamang ang Ctrl+Z, makikitang namamali din ako sa video at ina-undo ko lamang ito. Matapos nito ay pindutin ang Ctrl+Y upang bumalik na sa may kulay na bersyon ng ating ginagawang logo. Makikitang puti lamang ito sa ngayon, ito ay normal.
Step 7 (1:33 – 1:53) – Pindutin muli ang Ctrl+A at piliin ang LIve Pain Bucket tool na matatagpuan sa kanan. Buhusan ang bawat elemento gaya ng nasa video, matapos nito ay pumunta sa Object toolbar at piliin ang Expand tapos pindutin ang OK.
Step 8 (1:54 – 2:21) – Sa ngayon ay mayroon tayong apat na hugis. Piliin ito isa isa, sa pamamagitan ng pag-hold sa Ctrl at Shift kada pipindutin ang isang elemento, matapos nito ay mag-drag ng dalawang kulay sa may gradient panel gaya ng nasa video (kung wala kang gradient panel, ito ay matatagpuan sa Window > Gradient) ang prinsipyo sa pag set ng gradient ay mula sa normal na kulay ay papusyaw o padilim. Ako ay gumamit ng apat na uri ng kulay, berde, pula, dilaw at asul. Paglaruan lamang ito, sundan lamang ang nasa video kung paano mag-set ng gradient sa tamang paraan.
Last Step – Pindutin muli ang Ctrl+A at Ctrl+G upang ito ay mag sama sama sa isang grupo, i-resize ito ng naaayon sa iyong kagustuhan at maglagay ng pangalan ng iyong logo gamit ang Text tool, pumili lamang ng maayos at babagay na font. At ikaw ngayon ay natuto na kung paano gumawa ng logo gamit ang Adobe Illustrator!
Ang Resulta
Hindi ba’t kahit na apat na uri ng shades ng kulay ang ating ginawa ay ito ay maayos pa rin sa paningin? Maging wais lamang sa pag pili ng kulay at siguradong hindi ka mabibigo sa resulta ng iyong ginagawa.
O pano? hanggang dito na muna, abangan ang mga susunod kong ipo-post, salamat!
Facebook Comments