Welcome sa unang tutorial ko tungkol sa Photoshop. Ngayong araw ay tatalakayin natin kung paano gumawa ng logo gamit ang mga pangunahing simpleng tools ng Photoshop. Ito nga pala ang pinaka una kong gagawin na tutorial dahil naisip ko na sadyang maraming pinoy lalo na yung mga estudyante na nais matuto na gumawa ng kanilang sariling logo para sa kanilang mga negosyo o di kaya nama’y sa projects para sa estudyante.
Marami akong napapansin lalo na sa facebook, yung mga pages na naguumpisa pa lamang ay nakaka tamad nang puntahan dahil sa display picture pa lang nila kung saan kadalasan matatagpuan ang logo ay hindi na maganda sa paningin. Marahil ngayon ay sobrang dali lang nitong aking ituturo, pero sa mga susunod na panahon ay unti unti tayong mag tatalakay ng mas komplikadong techniques.
Sabi nga ng mga tagapanguna sa malalaking negosyo, ang logo ay nag sasabi kung sino at tungkol saan ang iyong kumpanya o branding. Kaya hindi biro ang pag iisip o pag desisyon kung anong klaseng logo ang iyong gagawin, kung anong kulay o anong hugis ang iyong logo na kung saan ay magiging angkop sa iyong serbisyong inaalok.
Paano gumawa ng logo kung hindi talaga marunong?
Huwag mangamba, dahil gaya ng mga nauna kong pagtuturo, gagawin ko ang lahat upang maging simple ang mga gagawin dito sa tutorial na ito. Ang kailangan mo lang ay tiyaga at pagiging alisto sa mga instruction na aking ilalahad. Kaya ihanda na ang iyong sarili dahil heto na at uumpisahan na natin kung paano gumawa ng logo.
Mga kailangan upang makasunod sa pagtuturo na ito:
- Adobe Photoshop CC o CS6
- Windows PC
Pasensya na sa mga gumagamit ng Mac, sa puntong ito ay Windows lang talaga muna ang pokus ko, ngunit sa mga darating na panahon pag maluwag ang schedule ay susubukin kong mag gawa ng mga detalye na mas magiging madaling intindihin para sa inyo.
Gagamit lamang tayo ng Ellipse Tool at Text tool na may konting pag lalaro sa Gradients at font weight. Napaka simple hindi ba? Hindi naman kailangan maging sobrang galing para maka pag gawa ng epektibong logo, kailangan lang ay imahinasyon at husay sa pag pili ng kulay na gagamitin. Dapat ay hindi ito nkaka sakit sa mata.
Step 1
Buksan na ang iyong Photoshop app at pindutin ang Ctrl+N upang makagawa ng bagong dokumento at i-set ang values sa 600 pixels sa height at width. At pindutin ang OK.
Step 2
Sa toolbar sa itaas, pindutin ang View at New Guide at i-set ang Horizontal sa 50% maging ang Vertical. Dalawang beses mo itong gagawin upang ma-set mo ang halaga ng horizontal at vertical.
Step 3
Pindutin sa toolbar sa kaliwa ang Ellipse tool at sabay i-click sa gitna ng workspace at i-set ang values ng kagaya ng nasa ilalim.
Step 4
Mula sa toolbar sa itaas, pinduting ang Fill at mabutihing maghanap ng kulay na maaaring gamitin. Gumamit ako ng dalawang uri ng bughaw o blue, isang mapusyaw at isang di ganun kapusyaw. I-set mo din ang uri ng gradient sa Radial.
Dapat ay makuha mo ang kagaya nitong halimbawa na aking ginawa sa ilalim.
Step 5
Gamitin ang Text tool sa kaliwang tool bar, at isulat ang initial ng iyong logo na ginagawa. Ang akin ay J, siguruhin na ito ay i-resize mo na malapit sa halimbawa sa ilalim. (Ang shortcut ng resize ay Ctrl+T).
Step 6
Sa oras na ma-resize mo na ang letra o text. Mula sa itaas na toolbar ay pindutin ang color palette (tingnan ang screenshot sa ilalim) at pumili ng kulay na angkop sa iyong tema ngunit mag be-blend ng maayos sa kulay na ginamit mo kanina, sa kaso ko ay green.
Step 7
Mula sa Layers panel sa kanan, piliin ang text na iyong ginawa, sa kaso ko ay J at pindutin ang right-click sa iyong mouse at piliin ang Duplicate Layer. At sa huli ay i-drag mo sa ibaba ng pingkopyahan ng text layer ang nagawang duplicate o kagaya ng text layer na iyong ginawa.
Step 8
I-click ang layer na na-duplicate mo kanina at i-set ito mula Normal para maging Multiply. Tingnan ang resulta ng iyong ginawa, dapat ay maging medyo madilim ito at humalo sa kulay ng bilog na iyong ginawa kanina.
Step 9
Sa tulong ng Text tool ay isulat na ang iyong pangalan ng brand o kumpanya, sa kaso ko ay “My First Logo” na lang muna para sa kapakanan ng pagtuturo na ito.
Last Step
Sa tulong ng mga pagpipiliang opsyon sa itaas gamit ang Text tool ay paglaruan ito ng naaayon sa iyong pagkagusto, sa kaso ko ay manipis lamang ang mga salitang “My First” habang ang “Logo” naman ay matataba at kitang kita ang pagkakaiba.
Ang huling resulta
Tandaan, mahalaga ang pag pili ng uri ng font na iyong gagamitin dahil may mga pagkakataon na mahirap itong ayusin. May mga bumabagay na font para sa sa konsepto na iyong naiisip kaya siguruhin na ang mapipili mo ay babagal. Paglaruan, gamitin ang imahinasyon sa pag likha ng logo dahil hindi dapat nalilimitahan ang iyong pag didisensyo base sa mga aspeto gaya ng kulay, hugis at iba pa.
Ito para sakin ang pinaka pundasyon ng kung paano gumawa ng logo. Sa ganitong uri ng pag gawa nag uumpisa ang mga kilala nang brands ngayon, minsan ang pagiging simple ay maganda basta’t ito ay may maayos na kulay, maayos na pag kaka pantay pantay ng letra, at higit sa lahat ay madaling mabasa.
Kung mayroon kang katanungan kung paano gumawa ng logo, maaari mong gamitin ang aking contact form at ako ay tutugon sa iyong mga katanungan sa lalong madaling panahon. Puwede ka rin mag iwan ng kumento gamit ang facebook sa ilalim ng post na ito. Salamat!
Facebook Comments