Narinig mo na ba ang kataga na “Wala sa tinapos yan, nasa diskarte ng tao yan.” siguro oo, siguro hindi. Marahil napadpad ka sa blog na ito dahil nag hahanap ka ng mga artikulo tungkol sa mga taong nagtagumpay na hindi nangailangan ng mataas na degree sa pag-aaral. Sasabihin ko na sa umpisa pa lamang, walang mabilis na paraan o “short-cut”, lahat ng nakikita mo na mayroon ang iba, ito ay dahil pinaghirapan nila o pinamana sa kanila o di kaya naman ay may nag magandang loob sa kanila at ipinaubaya ang mga ari-arian.
Kung gusto mo na mag tagumpay sa buhay umpisahan mo sa iyong sarili. Lahat ng bagay nag uumpisa kung ano ang “drive” natin sa buhay, kung ano ang gusto natin marating at importante sa lahat eh kung gaano ba natin ka-gusto na maabot ang ating mga pangarap. Kapag nai-saalang-alang mo na ito ang susunod naman ay ang mismong paraan upang magkatotoo ang mga ito. Sa karanasan ko, ako ay isang Computer Science drop out at nakapagtapos ng dalawang taon sa ilalim ng Tesda-based course na Computer Programming. Wala kaming kakayahan noon, at upang matapos ko ang aralin ay kinailangan kong pumasok bilang isang Student Assistant.
Wala sa tinapos ‘yan, Nasa diskarte ng tao ‘yan
Naisipan ko nang maraming beses na tumigil na lang, at makuntento kung ano ang mayroon ako sa ngayon kasi sabi nga nila hindi naman daw madadala sa langit ang pera. Pero sinabi ko noon matagal pa ko sa lupa, bakit hindi ko muna i-explore ang lahat lahat ng possibilites dito? Bakit hindi ba puwede na maging masaya ang katawang tao ko at makaranas man lamang ng ginhawa? Hindi mayaman at hindi mahirap ang pinanggalingan na pamilya ko, pero dahil sa gastos sa karamdaman ng Nanay ko ay unti unti kaming hinamon ng buhay. Kaya kinailangan ko dumiskarte para makapagtapos ng pag-aaral bilang unang hakbang tungo sa mas maayos na kinabukasan.
So kailangan ay mayron tayong:
- Pangarap
- Pagpupursige
- Pagsusumikap
Matapos ang pag susumikap sa pag-aaral ay masasabi ko na kahit papaano ay naabot ko na ang pangunahing pangarap ko, ang magkaroon ng sariling bahay at lupa may bonus pang bagong sasakyan. Sa ngayon ay patuloy akong kumakayod pa tungo sa mas maliwanag na kinabukasan. Alam ko sasabihin ng iba, na mag chill na lang dahil okay naman na pero masaya naman ako sa ginagawa ko at sa tingin ko mas marami pang nag aabang na blessings para sa akin at sa aking asawa.
Puwede ko pang habaan ang artikulo na ito at siguro gawing libro, pero kung gagawin ko ‘yon ay siguradong tatamarin ka lang basahin hehe. Ang punto ko lamang dito ay hindi hadlang kung ano ang tinapos mo sa kolehiyo o anong degree ang tinapos mo. Ang importante na kung minsan ay wala sa iba ay yung pag susumikap at pagpupusige natin upang makamit ang pangarap na inaasam asam mo. Ano man ang sitwasyon mo ngayon, ‘wag mo itong gawing hadlang upang makamit ang magandang kinabukasan. Maraming salamat sa pag-basa!
Facebook Comments